SANTA CRUZ

NEWS AND UPDATES

TANIM PAG-ASA PROGRAM INILUNSAD NA

August 27, 2022 | Mayor's Office

Upang matugunan ang mga pangangailangang gulay sa Santa Cruz sa harap ng patuloy na pag-akyat ng presyo ng mga bilihin at mabigyan din ng karagdagang pagkakakitaan ang mga households at organisasyon sa mga barangay, inilunsad na ng Mayor’s Office sa pakikipagtulungan sa Municipal Agriculture Office ang TANIM PAG-ASA PROGRAM ni Mayor Marisa Red-Martinez nitong ika-23 ng Agosto. 

Ginanap ang Pilot Launch ng Tanim Pag-Asa Program at ang training ng mga participants nito mula sa Barangay Kaganhao sa ABC Hall, Barangay Maharlika. Pinangunahan naman ni G. Reymark Ricamata – Agricultural Technologist ng Provincial Agriculture Office – ang isinagawang training ng 30 households mula Kaganhao sa pakikiisa ni Barangay Captain Sabino Rogel. 

Sa kanyang mensahe sa mga participants ng programa, binigyang diin ni Mayora Marisa Red-Martinez ang kahalagahan ng food security at food sufficiency lalo na sa mga panahon ng krisis at kalamidad at sa harap ng iba’t-ibang banta sa pamumuhay sa mga panahon ngayon. Ipinaliwanag ni Mayor Red ang kanyang adhikaing maging “vegetable basket” ng probinsya ang Santa Cruz at makapag-benta ng mga gulayin sa iba’t ibang pamihilihan sa Marinduque, Quezon, at sa Maynila ang mga households na kalahok sa programa. 

May limang barangay na napili ang Municipal Agriculture Office bilang pilot barangays ng programa – Makulapnit, Haguimit, Devilla, Tambangan at Kaganhao – ayon sa mga factors tulad ng uri ng lupa, tubig, at init na makakatulong sa pagpapalago ng mga ipamamahaging seedlings. 

Nagpatuloy naman mula August 23-27 sa ibang barangay ang pag-training sa mga kalahok sa programa. 

Bilang incentive sa pagdalo sa training at pakikiisa sa Tanim Pag-Asa Program, tatanggap ng one-time rice assistance (bigas) ang mga households na lumahok sa programa. 

At upang lalong mahikayat ang mga kalahok na talagang alagaan at palaguin ang mga seedlings na matatanggap nila, may mga pa-contest din na isasagawa ang pamahalaang lokal na may mga papremyo sa mananalong households.